BAGUIO CITY – Umaasa si Baguio City Mayor Benjamin Magalong na mababasa at makikinig o susunod ang incumbent na pinuno ng pambansang pulisya sa mensahe ng post ni dating PNP chief Arturo Lomibao.
Ayon sa dating pinuno ng PNP-CIDG, maganda ang mensahe ng nasabing post ni Gen. Lomibao at umaasa siyang mababasa ito ni PNP chief Gen.Oscar Albayalde.
Aniya, mabibigyan ng pagkakataon si Gen. Albayalye na magpaliwanag at malinisan ang pangalan sa publiko.
Gayunman, iginiit niya na ang pinakamahalaga sa ngayon ay ang pagligtas ni Gen. Albayalde sa institusyon ng pambansang pulisya.
Dinagdag niya na hindi pa huli ang lahat para isalba ng pinuno ng PNP ang organisasyon at may sapat na panahon pa ito para gawin ang nasabing hakbang.
Batay sa post ni Gen. Lomibao, sina Magalong at Albayalde ay dating comrades-in-arms, parehong produkto ng Philippine Military Academy (PMA) at mga general officers na nagsilbi sa ilalim niya at naging mahalagang bahagi ng kanyang career.
Aniya, bilang dating pinuno ng pambansang pulisya at produkto ng PMA, hindi niya maiwasang masaktan lalo na at mula pa noon ay kilala niya ang dalawang heneral kung saan ibinahagi niya ang mga ala-ala niya sa dalawa.
Gayunman, sinabi niya na may mga higher interests na dapat protektahan at mga panuntunang dapat na masunod kaya hindi maiwasang magharap ang dalawang heneral.
Ipinayo pa niya kay PNP Chief Albayalde na tinawag niyang ‘Chief Oca’ ang pagreito nito na dala-dala ang service reputation nito bilang isang strict disciplinarian na dahilan para piliin ito ni Pangulong Duterte bilang pinuno ng PNP kahit hindi sila malapit na dalawa.
Sinabi niya na dapat maging sensitibo si Albayalde sa public perception kasabay ng pagmungkahi niya na masusing ipa-imbestiga muli ng PNP chief ang kaso ng mga ninja cops.
Kung tapos na aniya ang imbestigasyon ni Albayalde at lumabas na ang katotohanan ay panahon na rin para mag-quit ito kahit isang araw pa bago ang retirement nito.
Dapat ipakita aniya ni Albayalde na nakahanda itong magsakripisyo para sa institution na kanyang iiwan para ito ang magsilbing clear signal sa mga maiiwan sa serbisyo.
Dinagdag pa ni Gen. Lomibao na dapat matoto si Albayalde mula kay resigned PMA Supt. Lt. Gen. Ronnie Evangelista na isinakripisyo ang posisyon nito sa PMA.
Huling tagubilin ng dating pinuno ng PNP ang pagligtas ni Gen. Albayalde sa pambansang pulisya.