-- Advertisements --
Manila Isko Moreno

Agad na ipinag-utos ni Manila Mayor Isko Moreno ang agarang pagresolba sa kaso sa pamamaril sa isang pulis Maynila na si Executive Master Sergeant Roel Candido.

Ayon sa alkalde, nakausap na niya si Manila Police District (MPD) chief Brig. Gen. Rolando Miranda at tiniyak na mabigyan ng hustisya ang pamilya ng biktima.

Malaki ang paniniwala ni Miranda na sangkot sa holdapan sa Pasay at Mandaluyong ang mga suspek na siyang tumangay ng ilang milyon sa SUV na sinusundan ni Candido.

Lumapit na rin ang kaanak ni Candido sa alkalde kung saan wala umano silang alam na motibo sa pagpaslang.

Kasabay din nito ay nagtungo ang alkalde sa pinangyarihan ng insidente at nag-alay ito ng bulaklak at dasal.

Magugunitang lulan ng motorsiklo si Candido habang sinusundan nito ang isang SUV sa Sta. Cruz, Maynila.

Napahinto na lamang ito ng pinaputukan matapos holdapin ng hindi kilalang suspek ang SUV na nasa harapan ni Candido bago siya pinagbabaril ng mga hindi kilalang mga suspek.

Tumakas ang mga salarin na nakasuot pa ng field service fatigue uniform ng PNP.