(Update) NAGA CITY – Nasa mabuting kalagayan na ngayon ang incumbent mayor ng bayan ng Garchitorena, Camarines Sur matapos ang nangyaring pananambang kaninang madaling araw.
Sa panayam ng Bombo Radyo Naga kay Capt. John Angeo Romeroso, hepe ng Garchitorena-PNP, sinabi nitong pasado ala-una ng madaling araw kanina at nanggaling umano sa lungsod ng Naga ang grupo ni Mayor Nelson Buesa kasama ang apat na miyembro ng pamilya pauwi na sana sila sa kanilang lugar.
Ngunit pagdating sa Barangay Toytoy, Garchitorena nang bigla na lamang silang paulanan ng bala ng hindi nakilalang mga suspek.
Sa ngayon ayon kay Romeroso, blangko pa ang kapulisan sa motibo ng naturang pananambang.
Inaalam din ng mga imbestigador kung may kinalaman sa nalalapit na halalan ang naturang insidente.
Si Bueza ang kasalukuyang alkalde ng naturang bayan habang tumatakbo naman sa parehong posisyon para sa 2019 midterm election.
Noong isang taon nang malagay rin sa kontrobersiya ang naturang bayan matapos silbihan ng sangguniang panlalawigan ng suspension order si Bueza na nagresulta sa hindi pagkakaroon ng sahod ng mga empleyado ng ilang buwan.