COTABATO CITY — Tinawag na kasinungalingan ni Cotabato City Mayor Bruce Matabalao ang napapabalitang pag-atras nito sa gaganaping imbestigasyon ng senado ngayong buwan.
Sa panayam kay Matabalao ng Star FM Cotabato sinabi nito na pawang walang katotohanan ang naturang balita at nakahanda na umano itong humarap sa senado bilang suporta sa panawagan ng pamilya Ayunan- Pasawiran na magkaroon ng patas at balanseng imbestigasyon sa nangyaring karahasan sa Barangay RH13 nitong lungsod, noong nakaraang taon.
Dagdag pa ng alkalde, sa pamamagitan ng nasabing hearing sa senado malalaman ng taong bayan at ng buong bansa na di lamang puro gulo ang mayroon sa rehiyon ng Mindanao partikular na sa lungsod.
Aniya, hindi sya duwag upang umatras at nais nitong ipahayag sa senado na maituturing paring ligtas ang siyudad sa kabila ng mga napapaulat na balita hinggil dito at hindi dapat katakutan ng ibang mamamayan.
Sa kabilang dako, inimungkahi naman ng alkalde na magpasa ang kongreso o ang komisyon sa halalan (COMELEC) ng panukala na ipagbawal ang pangangampanya ng mga kandidato pagsapit ng hapon tuwing election
Ayon naman kay Matabalao, dapat na imbis na magpakalat ng mga maling impormasyon ay makipagtulungan at makiisa na lamang ang mamamayan upang makamit ang tamang hustisya para sa lahat.