-- Advertisements --

KORONADAL CITY – Pabor si Koronadal Mayor Eliordo Ogena na imbestigahan at panagutin ang mga lokal na mga opisyal sa lalawigan ng South Cotabato na diumano’y nakatanggap ng pera mula sa Kabus Padatoon investment scam noong kasagsagan ng 2018 elections.

Sa eksklusibong panayam ng Bombo Radyo Koronadal kay Mayor Ogena, sinabi nito na marami umanong opisyal ang nakinabang at nakatanggap ng pera na kinuha ni Kapa founder Joel Apolinario, lalo na ang ilang mga investors at umano’y protektor nito.

Aminado rin itong hindi niya masyadong tinalakay o pinakialaman ang Kapa dahil tinututokan niya ang kaniyang sariling agenda para sa lungsod.

Sa katunayan, huli nitong nalaman na nag-invest pala ng P100,000 ang kaniyang asawa at walang nakuhang anumang payout.

Dagdag pa nito na isa sa mga malaking halimbawa ay ang babala ni dating South Cotabato governor Daisy Avance Fuentes na huwag mag-invest sa Kapa na naging dahilan ng kaniyang pagkatalo sa halalan.

Ito ay dahil ang kasalukuyang gobernador ng probinsya ay ikinampanya ni Apolinario sa kaniyang mga miyembro.

Sa huli, binigyang-diin na mistula umanong nabigyan na ng hustisya ang mga nabiktimang investors matapos mahuli na si Joel Apolinario, asawa nito at mga kasabwat sa Surigao del Sur.