CEBU CITY – Iniutos na ng alkalde ng Mandaue City, Cebu na “off limits” muna sa publiko ang ilang mga ilog sa nasabing lungsod matapos na magpositibo sa poliovirus ang Butuanon River.
Sa panayam ng Bombo Radyo kay Mayor Jonas Cortes, sinabi nito na magsasagawa sila ng coordination meeting kasama ang mga local chief executives ng karatig nitong lugar na naging daanan umano ng nasabing ilog.
Ayon sa alkalde,a panahon na para magkaisa ang mga local government units sa Cebu upang masolusyunan ang issue sa polio.
Dahil dito, magsasagawa ang Mandaue City government ng massive vaccination program at information campaign patungkol sa naturang sakit.
Maalalang nagpositibo sa laboratory test ang Butuanon River sa poliovirus matapos itong nakuhanan ng samples sa Research Institute for Tropical Medicine ng Department of Health.
Kaya naman nananawagan si Cortes sa DOH na maglagay ng ilang testing station upang malaman ang source ng poliovirus sa nasabing ilog.
Payo ngayon ng alkalde sa kanyang mga nasasakupan na mag-ingat palagi at i-report agad sa City Health Office kung nakitaan ang pasyente ng ilang sintomas sa sakit na polio.