BACOLOD CITY – Kinumpirma ng kaalyado ni outgoing Mayor Magdaleno Peña ng Moises Padilla, Negros Occidental na hihiling sila ng vote recount kasunod ng May 13 midterm elections.
Nabatid na natalo si Peña laban sa kanyang pamangkin na si Vice Mayor Ella Celestina Garcia-Yulo at mahigit 7,000 votes ang lamang nito.
Sa pagkabise alkalde naman, nanalo rin ang kaalyado ni Yulo na si Ian Villaflor laban sa running-mate ni Peña na si Antonio Suatengco sa 9,000 votes na abanse.
Noong in-ambush ang convoy ni Yulo kung saan namatay ang kanyang kapatid at pamangkin, direktang itinuro ng bise alkalde na ang tiyuhin nitong si Peña ang mastermind sa krimen.
Sa panayam ng Bombo Radyo Bacolod kay Coun. Agustin Grande na isa rin sa mga itinurong suspek sa pamamaslang, kinumpirma nitong maghahain sila ng election protest upang hilingin ang manual recount.
Aniya, hindi sila naniniwala na marami ang hindi bumoto sa kanilang slate kaya’t nais nilang malaman kung ano ang totoong resulta ng halalan.
Kung mapapatunayan aniya na kaunti lang ang mga residente na bumoto sa kanila ay kanila naman itong tatanggapin.