TACLOBAN CITY – Handa umano si Tacloban City Mayor Alfred Romualdez na harapin ang mga “consequences” matapos ang kanyang pagpapaturok ng first dose ng Sinovac vaccine na umani ng iba’t ibang reaksyon.
Una nito, marami ang kumikwestyon sa umano’y VIP treatment kay Mayor Romualdez na naunang nagpabakuna gayong hindi naman ito kasama sa priority list at hindi rin ‘di umano ito isang frontliner.
Ayon sa alkalde handa niyang sagutin ang show cause order mula sa DILG dahil alam niyang may basehan at justification ang kanyang pagpapabakuna.
Dagdag pa nito na aabot lamang sa 50% ng mga medical workers at frontliners sa Tacloban ang handang magpabakuna kung kaya’t nagdesisyon itong magpaturok ng Sinovac vaccine upang mahikayat ang publiko at hindi matakot na magpabakuna.
Hindi rin umano itinago sa publiko ang tungkol sa kanyang pagpapabakuna dahil nais nitong maipakita na ligtas ang bakuna at walang dapat na ikatakot.
Nilinaw rin nito na ang ginamit na bakuna sa kanya ay mula sa excess vaccines na naka-allocate sa lungsod na maaaring gamitin sa iba pang nasa priority list.