BUTUAN CITY – Umamin sa Bombo Radyo si Talacogon, Agusan del Sur Mayor Jesryl Masendo na nag-invest din ito sa Forex Trading.
Sa eksklusibong panayam ng Bombo Radyo Butuan, inamin nito na naka-invest siya ng konting halaga lamang kung saan dalawang beses na siyang naka-pay out kung kaya’t bawi na umano siya sa kanyang pera.
Aminado siyang na-attract siya sa 75-porsiyentong lingguhang interest na offer nito at sa dami na ng mga taong nakabenepisyo sa kanilang na-invest na pera.
Depensa rin nito na ang kanyang pag-aksyon na gawin ang payout sa kanilang municipal police station ay para sa mga miyembro ng Forex na kanyang constituents.
Ito ay hindi dahil miyembro rin siya kundi dahil umano sa kanyang posisyon bilang alkalde ng lugar.
Matapos mabulabog ang payout, ipinanawagan na lamang ni Mayor Masendo sa kanyang mga kababayan na magsampa na lamang ng kaso upang magkaroon ng tiyansang makuha pa ang kanilang pera.