NAGA CITY – Umani ngayon ng iba’t ibang reaksyon ang Facebook post ni San Fernando Mayor Fermin Mabolo kaugnay ng pagsasapubliko ng Philippine National Police (PNP) na nakakaladkad ang pangalan nito sa alleged private armed group (PAG) na Mabolo criminal group.
Sa naturang post, makikita ang screenshot ng text message ni Bombo Kristine Atole ng Bombo Radyo Naga sa alkalde nang hilingin nito ang isang interview para kunin ang panig ng alkalde sa naturang usapin.
Bagama’t hindi nagpaunlak ng panayam ang alkalde ngunit kasabay ng naturang screenshot ay ang caption kung saan sinabi nitong ito ang nangyayari tuwing pumapasok ang police force sa partisan politics na dapat sana’y tungkuling maglingkod at magprotekta ng tao.
“This is what happens when the Police Force who were supposed to serve and protect the people are engaging in partisan politics. Mga ser, hindi po ako kaaway. Umayos po kayo!!!”
Una rito, sa naging panayam kay Col. Roderico Roy, provincial director ng Camarines Sur Police Provincial Office (CSPPO), sinabi nitong may dalawang alleged private armed groups sa lalawigan na binabantayan ngayon ang mga otoridad.
Tinukoy din nito ang Mabolo criminal group na umano’y nasa likod si Mayor Mabolo at patuloy na mino-monitor.
Aniya, una na ring pinabulaanan ng naturang alkalde ang pagkakaladkad ng kanyang pangalan sa naturang isyu.