CEBU CITY – Nagsampa ng kasong kriminal ang alkalde ng Compostela, Cebu laban sa pamunuan ng Kabus Padatuon (KAPA) Ministries sa naturang bayan dahil umano sa kakulangan ng mga papeles.
Ito’y matapos na napag-alaman ni Mayor Joel Quiño na nag-o-operate ang nasabing investment scheme ng walang kaukulang dokumento gaya ng mayor’s permit at business permit mula sa munisipyo.
Ayon sa hepe ng Compostela Police Station na si Captain Ian Macatangay na nagsimula ang operasyon ng KAPA sa Brgy. Poblacion, sa bayan ng Compostela noong buwan ng Mayo sa pamumuno ni Benju Barreto.
Napag-alaman ng otoridad na libu-libo na ang pumasok sa naturang investment scheme kasali na ang mga empleyado ng gobyerno at pribadong sektor.
Kaugnay nito ay nag-isyu ang Compostela Mayor’s Office ng cease and desist order at ipinasara naman ng LGU ang opisina ng KAPA.
Ngunit tinanggal umano ng management ng KAPA ang closure order at itinuloy din naman ang pagpapatakbo nito.
Sinabi ni Macatangay na nakikipag-ugnayan ang Compostela Police Station at ang local government unit upang matigil na ang operasyon ng investment scheme.
Patuloy namang binabantayan ng Police Regional Office-VII kung pumasok ba ang mga miyembro nito sa diumanoy investment scam.
Habang nahuli naman ang mga gwardya ng KAPA office sa lungsod ng Compostela na sina Dexter Cuyos at Robert Padayogdog matapos mahulihan ng illegal firearms sa isinagawang post-to-post inspection.