LAOAG CITY – Inalerto ng alkalde ng bayan ng Carasi, Ilocos Norte ang kanyang mga kababayan matapos ang magkakasunod na lindol na naitala ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology (Phivolcs).
Sa panayam ng Bombo Radyo Laoag kay Carasi Mayor Rene Gaspar, ikinababahala ng mga residente ng naturang bayan ang nangyaring pagyanig nitong Biyernes ng gabi at ilan pang pagyanig nitong Sabado ng umaga.
Dagdag ng opisyal na dapat ay maging alerto ang kanyang mga kababayan dahil hindi nila alam kung kailan darating ang sakuna.
Samantala, sinabi ni Marcel Tabije ng provincial resiliency office na patuloy ang isinasagawang earthquake drills sa iba’t ibang bayan sa lalawigan.
Naitala ng Phivolcs nitong Sabado ang magnitude 4.2 na lindol na may layong 10-km hilagang silangan ng Carasi at may lalim ding 10-km.
Naramdaman ang Intensity 4 sa naturang bayan, intensity 3 sa bayan ng Solsona at Intesity 2 sa Vintar, Calanasan, Apayao at Claveria Cagayan.
Wala namang naitalang pinsala sa mga naturang lugar.