Biglang nag-resign sa kanyang puwesto ang isang mayor sa Kansas sa Amerika matapos na makatanggap ng mga pagbabanta sa buhay makaraang suportahan ang pagpapatupad sa pagsusuot ng face mask.
Si Dodge City Mayor Joyce Warshaw ay naghain ng kanyang resignation letter dahil hindi na niya makayanan ang natatanggap na death threats.
Una rito, pinagtibay ng Dodge City commission ang mandatory na pagsusuot ng face mask dahil sa paglobo lalo ng mga nahahawa sa coronavirus.
Gayunman matapos umanong suportahan ni Mayor Joyce ang ordinansa, agad siyang nakatanggap nang pagbabanta sa kanyang buhay mula sa tawag sa telepono at sa mga sulat.
Labis naman itong ikinatakot ng mayor at hindi na nakayanan pa kaya siya ay nagbitiw na sa puwesto.
“Life has dealt out many challenges in our world that have perhaps caused many people to act inappropriately but I do not feel safe in this position anymore and am hopeful in removing myself this anger, accusations and abuse will not fall on anyone else and will calm down,” ani Warshaw sa kanyang sulat.