BAGUIO CITY – Agaw atensiyon ngayong panahon ng krisis dahil sa COVID-19 ang naging hakbang ng alkalde ng bayan ng Sadanga sa Mountain Province dahil sa pagtanggi nito sa mga food packs na ipapamahagi sana sa mga mamamayan ng kanilang bayan na apetkado sa COVID-19.
Nagdesisyon si Sadanga Mayor Gabino Ganggangan na hindi sila tatanggap ng relief assistance mula sa Department of Social Welfare and Development (DSWD) kahit pa mapalawig ang kasalukuyang enhanced community quarantine.
Hindi aniya dahil sa walang mahirap at nangangailangang pamilya sa kanilang bayan kundi ito ay dahil naniniwala siya na sa kahirapan at panahon ng krisis ay kailangang mapanatili ang “built in” at homegrown o mga indigenous social structure, values and practice ng pag-aalaga sa mga kamag-anak, kapitbahay at kababayan bilang isang tribal community.
Paliwanag niya, sa mga panahong ito inaasahan na tutulungan ng mayayaman o mga tinatawag na kadangyan na kasapi ng isang clan o komunidad ang kanilang mahihirap na mga kamag-anak.
Sakali aniyang mas mapapahaba pa ang krisis kung saan wala na talagang suplay ng bigas ang mga mahihirap na pamilya sa Sadanga, sinabi ni Mayor Ganggangan na iuutos niya ang pagbukas ng mga kadangyans ng bawat barangay sa mga rice granaries ng mga ito hanggang sa susunod na harvest season.
Ipinasigurado pa nito na walang pamilya sa Sadanga ang magugutom sa panahong ito.
Aniya, hahayaan na nila na ang mga mas nangangailangang urban poors sa mga lungsod at iba pang lugar ang papakainin ng national government habang papakainin nila ang kanilang bayan habang kaya pa nila.
Kasabay nito, hinihikayat ng alkalde ang lahat ng mamamayan ng Sadanga sa pakikiisa ng mga ito sa kanilang mga hakbang para maprotektahan ang kanilang bayan mula sa COVID-19.