(Update) BACOLOD CITY – Direktang itinuro ni Moises Padilla Vice Mayor Ella Celestina Garcia-Yulo si Mayor Magdaleno “Magsie”‘ Peña na siyang mastermind sa pag-ambush sa kanilang convoy kahapon ng tanghali na nagresulta sa pagkamatay ng kanyang kapatid na dating punong barangay at pamangkin na incumbent councilor.
Nabatid na kasama rin ang bise alkalde sa convoy na dumaan sa Hacienda Dresden, Barangay Inolingan ngunit nakatakbo ito at nagtago sa bahay malapit sa ambush site kaya’t nakaligtas.
Dahil sakay sa unang sasakyan sina Councilor Michael Garcia at tiyuhin na si Mark Garcia, sila ang pinatay ng mga suspek.
Sa panayam ng Bombo Radyo Bacolod kay Yulo, inamin nitong siya ang target ng ambush ngunit nagkataong sakay ito sa pangatlong sasakyan.
Naging emosyunal si Yulo sa pagsakripisyo ng kanyang kapatid at pamangkin upang sila ay makaligtas.
Ayon sa bise alkalde, marami ang tama ng konsehat na dati ring dating punong barangay nang magtamo ng mga tama sa ulo.
Giit ni Yulo, si Peña ang mastermind sa krimen dahil nakita ng kanyang security team ang mukha ng ilang suspek at natukoy na miyembro ito ng local guards ng alkalde.
Ayon sa opisyal, hindi nakasuot ng bonnet ang ilang suspek ngunit may suot na bullet proof vest.
Si Pena ay tiyuhin ni Yulo at kasama silang tumakbo sa 2016 elections ngunit magkalaban ang mga ito sa mayoralty race ngayong 2019 elections.
Kahapon ng hapon, dalawang indibidwal ang inimbitahan ng Moises Padilla Municipal Police Station para sa questioning kasunod ng hot pursuit operations.
Ayon sa hepe ng pulisya na si Capt. Junjie Liba, nadatnan ang dalawa sa lugar kung saan itinuturong pinagtaguan ng mga suspek.