BUTUAN CITY – Hindi umano umubra ang kampanya ng mga miyembro ng Kabus Padatoon o KAPA Community International Ministries Inc. na hindi iboboto ang kandidatura ng mayor ng Bislig City, Surigao del Sur.
Ito’y matapos na matagumpay na nahalal bilang bise gobernador sa Surigao del Sur si outgoing Mayor Librado Navarro.
Matatandaang si Mayor Navarro ang pinakaunang local chief executive na nagpa-revoke sa business permit ng KAPA group matapos makarating sa kanya ang maraming reklamo laban sa iligal na operasyon nito.
Nilinaw ng incoming vice governor na posibleng nakita lang ng mga tao ang maganda niyang trabaho lalo na nang kanyang aksyunan ang mga reklamo laban sa KAPA dahilan hindi siya iniwanan sa kanyang layuning makaserbisyo hindi lamang sa lungsod ng Bislig kundi pati na sa buo nilang lalawigan.
Para sa kanya, ginawa lamang umano niya ang dapat upang maprotektahan ang kanyang mga constituents.
Ani Navarro, bahala na raw ngayon ang Securities and Exchange Commission (SEC) at iba pang ahensya ng gobyerno sa pagdesisyon sa nagpapatuloy pang operasyon ng KAPA.
Napag-alamang wala ring epekto ang banta ng mga KAPA members na hindi iboboto si Konsehal Omar Andaya dahil pasok ito sa 13-0 win ng partidong One Butuan nitong nakalipas na halalan.