-- Advertisements --

Umapela si Davao City Mayor Sara Duterte-Carpio sa kaniyang supporters na hintayin na lamang nila ang kaniyang magiging anunsiyo para sa 2022 elections.

Pinayuhan din niya ang mga ito na huwag ng mag-camp out o matulog sa harap ng Commission on Election (COMELEC) para hintayin ang paghaini nito ng substitutions.

Dagdag pa ng alkalde na manatili na lamang sila sa kanilang probinsiya at huwag ng magtungo sa Maynila dahil siya ay nasa lungsod pa rin ng Davao.

Sa kaniyang social media post sinabi nito na dahil sa may pandemya ngayon ay nakakasama sa kalusugan ang mag-camp-out o maghintay ng magdamag sa harap ng COMELEC.

Tiniyak nito na maglalabas ang kampo nito ng pahayag na may kasamang larawan at video sa kaniyang napipintong plano.

Magugunitang maraming mga supporters ng presidential daughter ang naghihintay ng kaniyang plano matapos na ito ay umatras sa pagtakbo muli nito sa pagka-alkalde ng lungsod ng Davao at nagbitiw sa regional party nito na Hugpong ng Pagbabago at nanumpa sa Lakas-Chrisitan Muslim Democrats (LAKAS-CMD).