Naniniwala si Presidential Spokesman Salvador Panelo na kung ngayon gagawin ang halalan sa pagka-pangulo ay wala umanong makatatalo kay Davao City Mayor Sara Duterte.
Sinabi ni Sec. Panelo, maliban sa popularidad ngayon ni Mayor Sara ay sadya umanong hindi matatawaran ang kanyang kakayahan.
Ayon kay Sec. Panelo, kahit pa si Vice President Leni Robredo ay hindi umano kakayaning talunin ang anak ni Pangulong Rodrigo Duterte sakaling magkaharap ang dalawa sa pampanguluhang eleksyon.
Magugunitang una ng nagsabi si VP Rorebdo na bagama’t wala siyang planong tumakbo sa pagka-pangulo sa taong 2022, bukas umano siya sa mga posibilidad.
Gayunman, inihayag ni Sec. Panelo na matagal-tagal pa naman ang 2022 at marami pang maaaring mangyari.
Una ng inihayag ni Pangulong Duterte na kung siya ang tatanungin, ayaw niyang tumakbo sa pagka-pangulo ang kanyang mga anak dahil sa hirap ng trabaho na haharapin sakaling manalo.