DAVAO CITY – Nakapagdesisyon si Davao City Mayor Sara Duterte na sumunod na lamang sa kautusan ng national government at hindi na ipatupad ang modified community quarantine (MCQ) bagkus ay ang palawakin ang enhanced community quarantine (ECQ) hanggang Mayo 15
Ito’y matapos lumabas na nananatiling mataas ang bilang ng mga nagpositibo sa coronovirus disease 2019 (COVID-19) sa lungsod.
Kung maalala, una nang sinabi ni Presidential Spokesperson Harry Roque na inaprubahan na ni Pangulong Rodrigo Duterte ang rekomendasyon ng Inter-Agency Task Force of Emergency Infectious Diseases (IATF-EID) na ipatupad ang enhanced community quarantine hanggang Mayo 15 sa lungsod at iba pang areas na nananatiling banta ang Covid-19.
Maliban sa Davao, ang iba pang areas sa rehiyon kung saan ipinatupad ang ECQ ay kinabibilangan ng Davao del Norte at Davao de Oro.
Plano rin ng alkalde na ipatupad ang modified community quarantine kasabay ng pagtapos ng ECQ sa Davao bukas.
Una na rin na sinabi ni Mayor Inday na kahit tapusin pa ang ipinatupad na Enhanced Community Quarantine sa Davao City, hindi pa rin makakabalik sa normal ang buhay ng mga tao hanggang wala pang nadidiskobrehan na gamot.