-- Advertisements --

Ibinulgar ni Davao City Mayor Sara Duterte-Carpio na sinabi na mismo sa kanya ng ama na si Pangulong Rodrigo Duterte na siya ang magiging ka-tandem ni Sen. Christopher “Bong” Go na tatakbo sa pagka-presidente sa 2022 national elections.

Sa isang statement, sinabi ng alkalde na personal umano itong kinumpirma sa kanya ng ama.

Gayunman inamin ni Mayor Sara na hindi maganda at hindi niya nagustuhan ang naturang pangyayari.

“It was not a pleasant event,” ani Mayor Duterte-Carpio.

Kuwento pa ito, may dalawa umanong sulat na ibinigay sa kanya na inindorso ng presidente.

mayor sara 1

Isa na rito ang nagpapaliwanag kung bakit dapat niyang iindorso ang Go-Duterte tandem, at ang isang liham ay nagpapanukala na kunin niya bilang vice presidential candidate si Go.

Kasabay nito, naghamon ang presidential daughter sa ama at sa senador na sila na mismo ang maghayag sa publiko sa nilulutong tambalan at ‘wag nang itago sa pribadong usapan.

Hirit pa ng alkalde, dapat daw ang tambalang Go-Duterte ang siyang magpresinta mismo sa publiko kung anong maitutulong nila o magagawa para sa mga kababayan.

“One note explained why I should endorse the Go-Duterte tandem and the other suggested that I take in Senator Go as my Vice President,” wika pa ni Mayor Sara. “If they can confirm it privately, then I do not see the reason why they cannot be candid about it to the public. They should simply present to the people what they can offer to our country and how they can help our fellow Filipinos.”

Diretsahan pa nitong sinabi na ‘wag na siyang isali pa sa mga usapan na siya ang dahilan sa pagtakbo o hindi pagtakbo ng mga ito.

Kaugnay nito, hindi rin naman pinaligtas ni Mayor Sara sa kanyang maaanghang na salita sina Sen. Koko Pimentel at Ronwald Munsayac, ang executive director ng ruling PDP-Laban.

Sinabi ni Sara, ‘wag na siyang kaladkarin at sisihin kung nagkakawatak-watak ngayon ang partido.

Tinawag pa niya na “sitcom” ang kinalabasan ng PDP-Laban.

Binigyang diin pa ng mayora na hindi siya papayag na gawin siyang “political punching bag.”

“I am not a ‘last two minutes’ person. I think, I organize, and I implement accordingly. In the meantime, I refuse to be a political punching bag for a party in complete disarray,” wika pa ng mayor sa statement.