-- Advertisements --

DAVAO CITY – Maglalagay umano ng mga barikada si Davao City Mayor Sara Duterte-Carpio sa mga kalsada sa lungsod ng Davao upang mapigilan ang mga sasakyan na gumala sa panahon ng Enhanced Community Quarantine (ECQ).

Ito ang galit na tugon ng alkalde matapos masaksihan nito mismo kahapon ng umaga ang maraming mga pribadong sasakyan na pawang mga SUV sa kalsada.

Sa panayam ng Bombo Radyo Davao kay Mayor Sara, sinabi nito na inutusan na niya ang Davao City Police Office at ang Task Force Davao na mas higpitan pa ang mga checkpoints, sa pamamagitan ng paglalagay ng mga heavy equipment sa gitna ng mga kalsada.

Maliban nito, plano rin ni Mayor Sara na mas hihigpitan na rin ang pagpapatupad ng Food and Medicine (FM) Pass dahil parang walang silbi ito sa dami pa rin ng mga taong lumalabas.

Samantala, pinaabot na rin ni Mayor Sara sa Southern Philippine Medical Center (SPMC) na hindi sasagutin ng lokal na pamahalaan ng lungsod ng Davao ang pagpapagamot sa mga coronavirus disease 2019 (COVID-19) patient na mapapatunayang nakuha ang impeksyon dahil sa paglabag sa protocols ng ECQ.

Nauna nang inihayag ni Mayor Sara na ibibigay nya ang kanyang isang taong sweldo para sa pagpapagamot ng ng frontliners na nagpositibo sa COVID-19.