DAVAO CITY – Dahil sa posibleng epekto ng Bagyong Crising sa lungsod at sa ibang parte ng Davao region, nagpalabas ngayon si Davao City Mayor Inday Sara Duterte-Carpio ng proclamation order na nagsuspende sa lahat ng mga pampubliko at pribadong paaralan mula kindergarten hanggang post-graduate studies.
Bahagi ng nasabing kautusan ang Full work from home arrangement sa lahat ng mga Government offices simula bukas Mayo 14-15, 2021 biyernes at sabado dahil sa maaaring epekto ng Tropical storm “Crising”.
Una ng inihayag ng Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA) na maaaring magdulot ng mga pag-ulan ang Bagyong Crising sa ilang bahagi ng Davao lalo na at kabilang ang lungsod sa mga isinailalim ngayon sa Signal number 1 maliban sa ibang bahagi ng rehiyon gaya ng Davao de Oro at Davao Oriental.
Sinabi rin ni Mayor Inday na kailangan maghanda lalo na at posibleng magdulot ng pagkasira sa mga propedad ang hangin na dala ng bagyo.
Pinaghahanda na rin ngayon ang mga iba’t-ibang ahensiya ng pamahalaan kabilang na ang rescue group para agad na mailikas ang mga residente na ninirahan sa mga lugar na delikado sa mga pagbaha at pagguho ng lupa.
Samantalang sinuspende na rin ngayon ng Philippine Coast Guard (PCG) ang mga biyahe patawid ng Island Garden City of Samal (IGACOS) pati na ang mga maliliit na sasakyang pandagat ito ay para maiwasan ang disgrasya.
Sinabi naman ni Lolita Vinalay, weather forecaster ng Pag-asa na posibleng ano mang oras ay bubuhos na ang malakas na ulan kasabay ng pagpasok ng Bagyo sa Philippine Area of Responsibility ngayong gabi o bukas ng madaling araw.