-- Advertisements --

DAVAO CITY – Umapela si Davao City Mayor Inday Sara Duterte-Carpio sa mga organizers ng Sara All Philippines 2022 na huwag na lang ituloy ang plano na Cotabato to Manila caravan simula bukas, Nobyembre 4 hanggang Nobyembre 15.

Ayon sa alkalde, dahil nananatili pa ang pandemiya dulot ng COVID-19, hindi umano mabuti na mag-ikot sa buong bansa.

Nanawagan na lamang ito sa mga organizers at kanyang mga supporters na gumawa na lamang ng mga bagay na mas mahalaga na produktibo at nakakatulong sa mamamayan.

Maaari umanong gamitin nito ang kanilang pera para ibili na lamang pagkain para sa mga mahihirap at magsagawa ng iba pang aktibidad na makatulong sa mas nangangailangan.

Muling nagpasalamat ang alkalde sa suporta na ipinakita sa kanya ng tao ngunit hindi umano mahalaga ang isasagawang caravan dahil nakapagdesisyon na siya noong Setyembere 10 na hindi siya tatakbo sa pagka-pangulo.

Kung maalala, maraming supporters pa rin ni Mayor Inday ang hindi nawalan ng pag-asa lalo na at may substitution pa sa Nobyembre 15 at dahil na rin sa mga pinapakitang pahiwatig ng alkalde sa nakaraang mga linggo.