-- Advertisements --

Nanumpa na bilang miyembro ng Partido Demokratiko Pilipino–Lakas ng Bayan (PDP-Laban) si Davao City Mayor Sebastian “Baste” Duterte.

Pinangunahan ng kaniyang ama na si dating Pangulong Rodrigo Duterte ang nanguna sa panunumpa ng alkalde.

Ang dating presidente kasi ang tumatayong chairman ng nasabing political party.

Dumalo rin sa event si PDP-Laban president, Sen. Robinhood “Robin” Padilla, Sen. Ronald “Bato” dela Rosa at iba pang opisyal ng grupo.

Matatandaang una nang sinabi ni Vice President Sara Duterte na tatakbo bilang senador ang kaniyang mga kapatid na si Mayor Baste at Rep. Paolo Duterte, pati na ang kanilang ama.

Pero sa hiwalay na panayam, itinanggi ito ng dating chief executive dahil matanda na raw siya at tapos na siya sa politika.

Naibahagi rin ng bise presidente na posibleng tumakbo si Mayor Baste bilang pangulo ng bansa sa 2028, habang siya naman ang babalik sa local government, pagkatapos ng termino bilang pangalawang pangulo.