CEBU CITY – Nahaharap ngayon sa kasong paglabag sa Republic Act 10591 o Illegal Possesion of Firearms ang mayor at ang vice mayor ng bayan ng San Francisco, Cebu.
Ito’y matapos na sinalakay ng Provincial Intelligence Branch (PIB) ang bahay ng magkapatid na sina Mayor Aly Arquillano at Vice Mayor Al Arquillano sa pamamagitan ng search warrant.
Nakuha mula sa mga ito ang isang magazine ng .45-caliber pistol; isang live ammunition ng 9mm-caliber pistol; isang .22 rifle na may serial number magazine; tatlong cellular phones; isang magazine ng .45-caliber pistol na may pitong bala; isang .45-caliber pistol na may limang live ammunitions; isang AR 15 rifle na may serial number at 12 live ammunitions; isang fragmentation grenade; 68 mga empty shell ng caliber .45 ammunitions; at 50 mga empty shell ng 9mm ammunitions.
Nang hinalughog umano ng mga miyembro ng PIB ang bahay ng magkapatid na opisyal ay sumulong rin umano ang mga mga supporters nito, ngunit agad naman itong nakontrol ng mga operatiba.
Nasa kustodiya na ngayon ng PIB ang dalawa habang hinihintay ang kasong isasampa laban sa kanila.