-- Advertisements --

BAGUIO CITY – Kinukwestion na ngayon sa himpilan ng Abra PPO si Bangued mayoralty candidate Ryan Luna ukol sa napabalitang insidente ng komosyon sa Patucannay Elementary School sa Bangued, Abra.

Sa panayam ng Bombo Radyo Baguio kay Bangued election officer Atty. John Paul Martin, unang nagtungo ang nasabing kandidato sa isang polling center sa Zone 3 kung saan pinagsasampal nito ang isang barangay official na nagsisilbi sa voter’s assistance desk doon.

Sunod aniya na pumunta sa Patucannay Elementary School ang nasabing kandidato kung saan pinaniniwalaang nakita nito ang isang barangay official na nakatambay na nagresulta para pagsasampalin din niya ito.

Napag-alaman sa mga nakakita sa insidente na isa sa mga nasampal ay isang kapitan na tumatakbo sa pagka-konsehal ng nasabing bayan.

Maaalalang may memorandum si Atty. Martin a nagbabawal sa mga barangay officials a mamalagi o tumambay sa mga polling centers maliban lamang sa pagboto ng mga ito.

Aniya, nagrequest na rin ang mga botante sa Bangued ng karagdagang pwersa ng mga otoridad kaya nagpadeploy siya ng walong sundalo sa nasabing elementary school.

Dinagdag niya na dahil sa komosyon ay naalarma ang electoral board ngunit wala namang nag-backout sa mga ito.

Personal na nagtungo roon si Atty. Martin para kalmahin ang mga botante at ipasiguro ang kaligtasan ng mga ito.