BUTUAN CITY – Arestado sa pina-igting na kampanya laban sa mga loose firearms ang isang mayoral candidate sa bayan ng Cagdianao sa probinsya ng Dinagat Islands.
Kinilala ni Police Brigadier General Gilberto DC Cruz, Police Regional Office (PRO) 13 Director ang subject ng warrant of arrest na si Armando Cagape, 61-anyos, retired police, at kumandidatong alkalde sa nasabing bayan.
Naisagawa ang ikinasang joint operation ng Cagdianao Municipal Police Station, Dinagat Islands Police Provincial Office Intelligence Branch sa bisa ng search warrant na inilabas ni Judge Lou Nueva, ang executive judge ng Regional Trial Court 10th Judicial Region, Branch 55.
Nakuha kay Cagape ang caliber.45 na baril, apat na magazines at 184 mga bala, pati na rin ang 173 na fired cartridges.
Kinumpiska rin ng pulisya ang iba pa niyang matataas na uri ng baril at mga bala.
Dahil dito, sasampahan si Cagape ng kasong paglabag sa Republic Act No. 10591 o mas kilala bilang Comprehensive Firearms and Ammunition Act.
Iginiit ni Cruz na ang kanilang ginawang security operations ay kaugnay sa nalalapit na May 2019 election upang masigurong walang mga loose firearms na magagamit kriminalidad at iba pang iligal na gawain.