KORONADAL CITY – Nasa kustodiya na ngayon ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG)-BARMM at mga pulis sa Cotabato City ang Liga ng mga Barangay president at tumatakbo sa pagka-alkalde ng Datu Salibo, Maguindanao.
Ito ay makaraang naaresto ang suspek na si Zamlon Guinomla Abdulwaris nang ipatupad ng mga otoridad ang search warrant laban sa kanya kaugnay ng kasong paglabag sa Republic Act 10591 o illegal possession of firearms and ammunitions.
Ayon kay Lt. Col. Esmael Madin ng CIDG-BARMM, inilunsad ang operasyon sa Barangay Bagua Dos ng siyudad.
Maliban kay Abdulwaris, arestado rin sa naturang operasyon ang dalawa pang mga kasamahan nito.
Nakuha sa mga suspek ang dalawang mga di lisensiyadong baril, mga bala at isang granada.
Sinabi pa ni Madin, ang inilunsad nilang operasyon ay kaugnay pa rin ng ipinatutupad na Oplan Paglalansag Omega na kampanya ng pamahalaan laban sa loose firearms.