VIGAN CITY – Nagreklamo sa pulisya ang tatlong residente sa Bangued, Abra dahil sa umano’y pagsampal sa kanila ng isang mayoralty candidate sa nasabing bayan.
Sa impormasyong nakalap ng Bombo Radyo Vigan kay P/Maj. Dominador de Guzman, hepe ng Bangued municipal police station, sinabi umano ng tatlong complainant na sinampal umano sila ng walang dahilan ni dating Bangued mayor Ryan Luna na tumatakbo bilang alkalde para sa May 13 midterm election.
Nangyari umano ang insidente nang nasa harapan ng bahay ni Bangbangar, Bangued, Abra Barangay chairman Loreno Laureta ang mga biktima na sina Drexell Festejo Bermudez, 40; Rolly Benosa Bernardez, 46; at Jayrome Berras Bello, 32.
Napag-alaman na ang tatlo ay nangangampanya para sa kalaban ni Luna sa pulitika na si re-electionist Mayor Dominick Valera.
Maliban pa umano sa pagsampal sa kanila, kinuha pa umano ni Luna ang sling bag ni Bello kung saan nakalagay ang cellphone nito at hindi na ibinalik pa.
Si Luna ay re-electionist mayor noong ipina-aresto siya noong 2013 dahil sa pinaniniwalaang koneksyon nito sa pagpatay kay Brenda Crisologo, asawa ni Tineg, Abra mayor Edward Crisologo noong 2007.
Nakapagpiyansa ito bago ang campaign season para sa 2016 elections at tumakbo sa pagka-bise gobernador ngunit natalo.