KALIBO, Aklan – Sigurado na ang panalo ng isang tumatakbong alkalde sa isang bayan sa Aklan matapos ideklarang nuisance candidate ng Commission on Elections (Comelec) ang kanyang nag-iisang makakalaban sa darating na eleksyon sa Lunes, Mayo 13.
Napatunayan na si Ludovico Villaruel Jr., 68-anyos, isang independent candidate ay walang kakayahan na tumakbong mayor sa nasabing bayan, maliban pa na kinuwestiyon ang kanyang residency bagay na inatasang tanggalin sa listahan ng mga kandidato.
Ang resolution kaugnay sa diskwalipikasyon ni Villaruel ay batay sa inihaing reklamo ni incumbent mayor Dexter Calizo na ipinalabas ni Second Division Acting Clerk Abigail Justine Cuaresma Lilagan na may petsang Mayo 9, 2019.
Nadiskubre umano ng election officer ng nasabing bayan na walang bahay si Villaruel sa ibinigay na address.
Maliban dito, wala rin siyang political organization o supporters upang tumulong sa kanyang kandidatura.
Ayon sa Comelec, ituturing umanong stray votes ang anumang boto na makukuha ni Villaruel.