BAGUIO CITY – Posibleng madiskwalipika ang mayoralty candidate sa Bangued, Abra, na sumampal sa tatlong municipal employees na nagsasagwa ng voters’ education seminar sa isang barangay doon.
Sa panayam ng Bombo Radyo kay Atty. John Paul Martin, election officer ng Bangued, puwede aniyang basehan ang ginawa ng mayoral bet na si Ryan Luna para madiskwalipika ito mula sa midterm elections.
Gayunman, inamin niya na mahaba ang proseso ng diskwalipikasyon dahil kailangan pang convicted o sentensiyado ang isang kandidato bago ito tuluyang madiskwalipika.
Ipinaliwanag ni Atty. Martin na nagkaroon ng komosyon sa pagitan ni Luna at ng tatlong empleyado ng municipal government na mga supporters din ng kalaban nitong reelectionist na si Mayor Dominick Valera noong nakaraang linggo.
Ayon sa election officer, nagalit si Luna nang makita niyang nagsasagawa ng shading sa mga sample ballot ang tatlong empleyado.
Una nang nakilala ang mga ito na sina Drexell Bermudez, Rolly Bernardez at Jayrome Bello.
Sinabi pa ng election officer na bahala na ang Department of the Interior and Local Government at Civil Service Commission kung ano ang mangyayari sa tatlong empleyado na nagsisilbing campaigners ng isang kandidato.
Aniya, ito ay dahil ipinabawal na sa lahat ng mga empleyado ng pamahalaan ang pagkampanya o pagpabor ng mga ito sa kahit sinong kandidato.