-- Advertisements --

BAGUIO CITY – Maghahain ng motion for reconsideration sa susunod na linggo sa Commission on Elections (Comelec) Central Office ang mayoralty candidate ng Baguio City na nahaharap sa disqualification case sa nalalapit na 2019 midterm elections.

Inihayag ito ni Atty. Edgar Avila kasunod ng pagtanggap niya kahapon sa minute resolution ng Comelec en banc na nagsasabing hindi nila tinanggap ang certificate of candidacy (CoC) na inihain niya dahil sa paggamit niya ng lumang CoC form.

Batay sa resolusyon, nabigyan ang kampo ng kandidato ng limang araw para maghain ng sagot sa nasabing resolusyon.

Ayon sa kanya, puwede rin siyang maghain ng Petition for Writ of Certiorari sa Korte Suprema para mas mapabilis ang pagdesisyon sa isyu bago ang halalan.

Aniya, may nakita ang kanyang legal team na mga paglabag ng komisyon sa kanyang kaso gaya ng hindi paghain sa kanya ng notice na may problema sa kanyang CoC at walang isinagawang hearing sa nasabing isyu.

Iginiit ng konsehal na hindi ito nabigyan ng due process ng batas kayat null and void din ang nasabing minute resolution ng Comelec en banc lalo na at tinanggap naman ng City Election Officer ang kanyang inihaing CoC noon.

Batay aniya sa kasong Fermin vs. Comelec, nagdesisyon ang Korte Suprema na ang error in form o paggamit ng hindi tamang COC form ay hindi batayan ng pagdiskwalipika sa isang kandidato dahil maaaring madiskwalipika lamang ito kung nagsinungaling ito sa mga detalyeng kanyang inilagay sa CoC.