CENTRAL MINDANAO – Nalambat ng mga otoridad ang isang mayoralty candidate sa inilunsad na anti-drugs operation ng mga otoridad sa probinsya ng Cotabato.
Nakilala ang suspek na si Tom Nandang alyas Datukon Nandang, 52, may asawa at residente ng Barangay Upper Glad 1, Midsayap, Cotabato.
Ayon kay Midsayap chief of Police Lt Col Rolly Oranza na naglunsad ng anti-drugs operation at search warrant ang mga tauhan ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA-Cotabato),PDEA-BAR, katuwang ang Midsayap MPS at 34th Infantry Battalion Philippine Army sa tahanan ng suspek.
Hindi na nakapalag ang mga tauhan ni Nandang nang mapalibutan ng mga otoridad.
Narekober sa loob ng bahay ni Nandang ang isang kalibre .45 na pistola, mga bala, magasin at 10 malalaking pakete ng shabu na nagkakahalaga ng limang milyong piso (P5,000,000.00) at mga drug paraphernalia.
Dagdag ni Oranza na mayoralty candidate si Nandang sa bayan ng Northern Kabuntalan, Maguindanao at matagal nang minamanmanan ng mga otoridad.
Maliban kay Nandang inaresto rin ang ilang mga kamag-anak at mga tauhan nito na inabutan ng raiding team sa kanyang tahanan.
Mariin namang itinanggi ng pamilya ni Nandang na itoy sangkot sa illegal drugs at posibling biktima ito nang tanim droga at armas.
Sa ngayon ay nakapiit na si Nandang at mga tauhan niya sa costudial facility ng Midsayap PNP at nakatakdang sampahan ng kasong paglabag sa Republic Act 9165 o Comprehensive Dangerous Drug Act of 2002 at illegal possession of firearms.