CEBU CITY – Inakusahan ng kampo ni San Fernando Mayor Lakambini “Neneth” Reluya si Ruben Feliciano, mayoralty candidate ng lungsod, na siyang nasa likod ng pananambang sa kanyang mga tauhan sakay ng isang ambulansya kagabi.
Sa eksklusibong panayam pa ng Bombo Radyo Cebu kay Filemon Leyson, ang Purok president ng San Fernando City, sinabi nito na walang iba pang makakagawa nito kundi si Feliciano lang.
Aniya, sa bawat pangangampanya ni Feliciano sa mga barangay ay palagi nitong binabantaan si Mayor Reluya, gayundin ang mga supporters nito pati na silang mga purok leader.
Sisirain pa nga umano nito ang lungsod kapag natalo siya darating na May 13 elections.
Dagdag pa ni Leyson na isang malaking sampal sa pulisya ng probinsiya ng Cebu ang mga nangyayaring pananambang sa kanilang lungsod.
Hindi na umano nila alam kung saan pa sila hihingi ng tulong para sa kanilang seguridad.
Samantala, pinabulaanan nni Feliciano ang mga paratang na binabato sa kanya ng kampo ni Reluya.
Binigyang-diin nito na hindi siya bayolenteng tao at hindi siya gagamit ng karahasan para lang makamit ang isang posisyon.
Gayunpaman, inakusahan din ni Feliciano ang mga Reluya na nagsasagawa ng vote buying at tanging black propaganda lang ang ginagawa ng administrasyon laban sa kanya.
Giit pa nito na ang ambulansya na tinambangan ay ginagamit ni Reluya upang humakot ng mga pera para sa vote buying.
Bunsod ng mga pangyayari, hinamon ni Feliciano si Mayor Reluya na maghaharap sila sa “Debate ng Bombo” o kahit sa anumang public debate.