ILOILO CITY – Hinatulan ng perpetual disqualification at pagkakulong ng anim na taon at isang araw hanggang 10 taon si dating Janiuay, Iloilo Mayor Frankie Locsin.
Ito ang kasunod ng pagpapalabas ng desisyon ng Sandiganbayan sa kasong isinampa laban kay Locsin dahil sa paglabag sa Republic Act 3019 o Anti-Graft and Corrupt Practices Act may kaugnayan sa pagbili ng gamot na nagkakahalaga ng P15 million.
Sa eksklusibong panayam ng Bombo Radyo Iloilo kay Atty. John Nuñez, legal counsel ni Vice Mayor Jojo Lutero, sinabi nito na binasura ng Korte Suprema ang Motion for Reconsideration ni Locsin at sa halip kinatigan ang resolusyon ng Sandiganbayan na napetsahan noong Pebrero 23 at Hunyo 8, 2015.
Nagpalabas ng Entry of Judgements ang Korte Suprema noong Marso 20, 2019 kung saan ayon sa Kataas-taasang Hukuman, final and executory na ang desisyon ng Sandiganbayan laban kay Locsin at ilang municipal officials ng Janiuay, Iloilo.
Napag-alaman na una nang nagsampa ng disqualification case ang makakatunggali ni Locsin sa pagka-alkalde na si Vice Mayor Lutero dahil umano sa dual citizenship issue ng dating alkalde.