CAGAYAN DE ORO CITY – Naging mainitam ang isinagawang ” Debate sa Bombo” sa loob ng himpilan ng Bombo Radyo Cagayan de Oro para sa mga tumatakbo sa posisyong pagka-alkalde sa lungsod.
Kompletong lumahok ang apat na mga kandidato na sina Cdeo City Mayor Oscar Moreno, dating undersecretary ng Department of Agriculture Pompee Laviña, media practioner Ben Contreras at Dr. Felix Borres.
Ngunit ang mas pumukaw sa atensyon ng mga tao ay ang pagpapalitan ng mga akusasyon nina Moreno at Laviña lalong-lalo na sa isyu ng kurapsyon.
Ibinunyag ni Laviña ang 100 umanong kasong graft and corruption na kinakaharap ni Moreno, pag-withdraw daw ng P79 million na pera sa lungsod na wala naman sa budget.
Pinabulaan naman ito ni Moreno at tinawag si Laviña na magaling gumawa ng istorya.
Bumwelta si Moreno sa pagsabing sinibak naman daw si Laviña sa tanggapan ng Social Security System dahil sa isyong kurapsyon.
Depensa naman ni Laviña na wala itong katotohanan.
Sa katunayan siya pa umano ang nagsampa ng kaso laban sa 23 na mga opisyal sa naturang tanggapan.
Sa pagtatapos ng debate ay nagkamayan naman ang mga mayoralty candidates.
Para naman sa mga Kagay-anon sila pa rin naman ang magdedesisyon sa darating na Mayo kung sino ang gusto nilang iluklok sa pwesto at magbibigay ng tunay na serbisyo sa kanila.