Binigyan ng Department of the Interior and Local Government (DILG) ang mga alkalde ng Metro Manila ng 60 araw o hanggang Setyembre upang linisin ang mga kalsada sa National Capital Region (NCR) mula sa mga vendor.
Ang hakbang ng DILG ay sang-ayon sa kautusan ni Pangulong Rodrigo Duterte sa kanyang State on the Nation Adress (SONA) na bawiin ang mga bangketa at pampublikong kalsada na pribadong nagagamit ng iilan.
Ayon kay DILG Sec. Eduardo Año, dapat ay malinis ang mga kalsada sa lahat ng uri ng harang na isa sa pangunahing dahilan ng pagsisikip ng daloy ng trapiko.
“This program to clear all road obstructions in Metro Manila as well as all over the country is long overdue. Hindi na uubra ang mga alibi lalo na’t ang Pangulo na mismo ang nag-utos. Kelan pa ba tayo aaksyon para maibsan ang traffic?” wika ni Año.
Responsibilidad na rin ng mga local government units ang pagsasaayos sa naturang mga daan gaya ng paglalagay ng street lights at street names.
Binibigyan din ng kapangyarihan ang mga local chief executives na bawiin ang permits na nagbibigay otoridad sa mga private entities na okupahan ang pampublikong kalsada at iba pang mga daanan.
Nagbabala rin ang kagawaran na sinumang hindi tatalima at hindi makikipagtulungan sa kanilang kautusan ay sasampahan nila ng kaso at sisibakin sa puwesto.
“There is no room for compromises on this issue. It’s either black or white. Hindi ako magdadalawang-isip na magpasa ng mga pangalan ng LCEs na matitigas ang ulo sa ating Pangulo. If it all leads to a suspension, so be it. It is for the benefit of the people anyway,” anang kalihim.
Una nang sinabi ng Metropolitan Manila Development Authority na nasa 30% raw ng minor roads ang hindi madaanan dahil sa punung-puno ng illegal vendors at mga naka-park na sasakyan.