Naniniwala ang mayorya ng mga Pilipino na sapat ang ginagawang mga hakbang ng kasalukuyang administrasyon para matugunan ang mga isyu sa West Philippine Sea.
Ito ay batay sa lumabas na resulta ng survey ng Social Weather Stations (SWS) na kinomisyon ng Stratbase.
Kung saan 60% ng mga Pilipino ang naniniwalang sapat ang pagsasagawa ng pamahalaan ng joint patrols at military exercises kasama ang mga kaalyadong bayan at partners.
Nasa 72% naman ng mga Pinoy ang sang-ayon na dapat makipag-alyansa ang gobyerno ng PH sa ibang mga bansa pagdating sa pagdepensa sa teritoryo ng PH.
Kung maaalala nga, nagsagawa ang PH ng ilang serye ng joint patrols sa West Philippine Sea kasama ang mga tropa ng Amerika, Australia, Japan at France sa gitna ng mga agresibong aksiyon ng panig ng China sa disputed waters.
Sa ngayon, pinag-aaralan ng PH ang lahat ng posibleng paraan para maipagpatuloy ang pagsasagawa ng rotation at resupply mission sa BRP Sierra Madre na nagsisilbing outpost ng Pilipinas sa West Philippine Sea kasama ang kaalyadong bansa bilang parte ng Multilateral Maritime Cooperative Activity.