-- Advertisements --

Bumoto ng pabor ang mayorya ng mga mambabatas sa South Korea para sa mosyon sa impeachment ni President Yoon Suk Yeol ngayong araw ng Sabado, Disyembre 14.

Inanunsiyo ni National Assembly Speaker Woo Won-shik na mula sa 300 mambabatas, 204 ang bumoto ng pabor, 85 ang tumutol, 3 ang nag-abstain habang may 7 invalid votes.

Dahil sa lagpas pa sa kinakailangang 200 ang bilang ng mga mambabatas na bumoto ng pabor para maipasa ang mosyon para sa impeachment, idineklara ng Speaker na pasado na ang impeachment vote at tinapos ang session.

Samantala, ngayong pasado na ang impeachment motion para kay Yoon, nasa kamay na ng constitutional court para pagdesisyunan ang impeachment ni Yoon sa loob ng 6 na buwan.

Ayon kay Speaker Woo, nakatakdang suspendihin ang presidential powers at duties ni Yoon sa oras na matanggap na niya ang kopiya ng dokumento sa impeachment at kapag natanggap na rin ito ng Constitutional Court.

Habang suspendido si Yoon, si Prime Minister Han Duck-soo ang hahalili muna sa kaniya bilang acting president.

Subalit kahit na suspendido ang kapangyarihan ni Yoon, mananatili pa rin siya sa opisinao hindi pa rin matatanggal hanggang sa magpasya na ang Constitutional Court kung aayunan nito ang kaniyang impeachment.

Samantala, nagdiwang naman ang mga protester na nasa labas ng parliyamento. Habang nangibabaw naman ang katahimikan sa mga nasa pro-Yoon rally o tagasuporta ng presidente sa Gwanghamun square. Ilan din ang hindi naiwasang magalit sa naging desisyon ng mga mambabatas.