Nanindigan si undefeated American champion Floyd Mayweather Jr na hinding-hindi na ito babalik sa boxing ring sa hinaharap.
Kamakailan kasi ay lumabas ang ulat na nagbalik na sa boxing gym si Mayweather, dahilan para magkaroon ng usap-usapan na hahamunin daw nito ng rematch si Pinoy ring icon Sen. Manny Pacquiao.
Pero ayon kay Mayweather, retirado na ito at haka-haka lamang daw ang nasabing balita.
Paliwanag pa ni Mayweather, pinapanatili na lamang niya na malusog ang kanyang pangangatawan.
“I’m retired. I’m through with boxing,” wika ni Mayweather sa isang panayam. “It don’t hurt to stay in shape, you know.”
“Your body is a temple and you only get one body. I’m just keeping it sharp. Not for boxing but for myself,” dagdag nito.
Sa ngayon, nakapokus na lamang daw ang dating pound-for-pound king sa pagsasanay ng mga mas batang boksingero, na kanya raw libangan ngayong may coronavirus pandemic.
Noong 2019 nang ihayag ng 43-anyos na si Mayweather na babalik daw ito para sa dalawang events ngayong taon, ngunit naudlot dahil sa COVID-19.