-- Advertisements --
(c) Floyd Mayweather Jr

Hindi umano interesado si retired American champion Floyd Mayweather Jr. para sa isang rematch kay Pinoy ring legend Sen. Manny Pacquiao.

Pahayag ito ni Mayweather kasunod ng hiling ng mga boxing fans na muli silang magharap sa ibabaw ng ring ng tanging eight-division world champion.

Ayon kay Mayweather, hindi na raw nito kailangan pa ng ikalawang pagkakataon dahil nagawa naman daw nitong magtagumpay sa unang beses na nagtuos sila ng “Fighting Senator” noong 2015.

Unang lumutang ang posibilidad ng isang rematch sa pagitan ng dalawang kampeon noong Setyembre kung saan kapwa nag-post ang dalawa ng videos sa Instagram ng kanilang pagkikita sa Japan.

Dito ay hinamon ng American boxer ang People’s Champ para sa isang December bout, na hindi naisakatuparan.

Bagama’t muling hinamon ni Pacquiao si Mayweather para sa isang rematch noong Enero, mistulang malamig naman ang pagtanggap dito ng kampo ng huli.

Samantala, agad na naging abala si Mayweather matapos itong makabalik sa Maynila mula sa kanyang maikling bakasyon sa isla ng Boracay.

Matatandaang noong Linggo ng madaling araw nang dumating si Mayweather sa bansa sakay ng kanyang private jet, at agad ding pumunta sa nasabing isla.

Agad na sumailalim si Mayweather sa isang skin tightening treatment kay Dra. Vicky Belo nitong Martes ng hapon sa lungsod ng Makati.

Naikuwento rin ni Floyd na ang kanyang Pinay na assistant na si Marikit “Kitchie” Laurico ang nagrekomenda na sa nasabing celebrity doctor siya magpa-facial.

Samantala, sa Resorts World Manila sa lungsod ng Pasay naman ay magkakaroon ng isang sports clinic na pupuntahan ni Mayweather.

Inaasahan na rin ang pagtutuos nina Mayweather at Pacquiao sa isang basketball match.

Doon na rin mananatili ang undefeated fighter hanggang sa paglipad nito patungong Las Vegas bukas, araw ng Miyerkules.

Sinabi pa ni Mayweather na natuwa ito sa kanyang pananatili sa Pilipinas at nangako itong babalik dito sa bansa.