Muli na namang lumutang ang mga usap-usapan tungkol sa potensyal na rematch sa pagitan ng magkaribal na sina Floyd Mayweather Jr. at Pinoy legend Manny Pacquiao.
Ibinunyag kasi ni Mayweather sa kanyang Instagram account na kasalukuyan umano itong nasa negosasyon upang gawin ang isang “exhibition” match kontra kay Pacquiao sa Tokyo, Japan.
“Money May, Money May, Money May, Money May all day. Betrnk.com that’s my team in Tokyo, Japan. TMT Tokyo and of course, I’m Floyd ‘Money’ Mayweather. What I’m working on right now is the Mayweather-Pacquiao exhibition right here in Tokyo, Japan stay tuned,” wika ni Mayweather.
Ang pahayag na ito ni Mayweather ay lumabas isang buwan matapos kumalat sa social media ang isang video kung saan pinaplano raw nito ang isang rematch kay Pacquiao sa Saudi Arabia.
Ngunit agad naman itong pinabulaanan ni Mayweather kung saan inihayag nito na lumang video na raw ang kumalat.
Una nang nagharap ang dalawa sa Las Vegas noong 2015 kung saan nagwagi si Mayweather sa pamamagitan ng unanimous decision.
Bagama’t bukas si Pacquiao sa muli nilang pagtatagpo sa ibabaw ng ring, hindi ito kinakagat ni Mayweather na sinusulit na raw ang pagiging retirado.