Wala pa umanong posibilidad sa kasalukuyan ang rematch sa pagitan nina Sen. Manny Pacquiao at ni Floyd Mayweather Jr.
Ito ay ayon kay Sean Gibbons, presidente ng MP Promotions at kanang kamay ng fighting senator.
“There is no fight, there is no possibility at the moment. Floyd has said numerous times that he’s enjoying retirement,” wika ni Gibbons.
Sinabi ni Gibbons, sa ngayon ay kanilang kinokonsidera ang ilang mga bigating pangalan sa welterweight division gaya nina Danny Garcia, Mikey Garcia, at Shawn Porter bilang susunod na makakatunggali ni Pacquiao.
Inamin naman ni Gibbons na pangunahing puntirya pa rin ng Team Pacquiao si Mayweather.
Pero sa ngayon, hangga’t walang opisyal na pahayag mula sa kampo ni Mayweather, hanggang salita lamang daw muna ang posibleng rematch nila ng Pinoy ring icon.
“I wish I could give you the answers,” ani Gibbons. “The only answer is that Floyd Mayweather knows.”
“The senator doesn’t base his life around Mayweather, but Floyd Mayweather seems to base his life around the senator now,” dagdag nito.
“He’s a big fan of the Senator, he comes to all of his fights. We appreciate that. We’ll let things unfold, let’s see what happens.”
Samantala, sarado naman daw ang pinto ng kanilang kampo sa hirit namang rematch ni Keith Thurman.
Paliwanag ni Gibbons, wala raw masyadong kontrobersyang nilikha ang naturang laban maliban sa split decision ng mga hukom.