Ipupursigi na umano ni Floyd Mayweather Jr. ang isang rematch kontra sa dati nitong karibal na si Sen. Manny Pacquiao kasunod ng kanyang pag-urong sa nilulutong exhibition bout sa China.
Kung maaalala, kumita ng milyun-milyong dolyar si Mayweather sa isang exhibition match sa Japan noong bisperas ng Bagong Taon makaraang dominahin ang kickboxing superstar Tenshin Nasukawa.
Nagretiro naman ang former five division world champion sa boxing noong Agosto 2017, makaraang patulugin si UFC superstar Conor McGregor.
Ayon kay Jay Lau, director at promoter ng DEF Promotions sa Hong Kong, dalawang beses umano silang nagpulong ni Mayweather upang isapinal ang isang kasunduan.
“Mayweather came two times to Hong Kong, he spoke with my son Jayson and we had communications but now he is focusing [on] the Pacquiao rematch,” wika ni Lau.
“We were talking about an exhibition in China, a big event but not a recorded professional boxing fight. Something like Mayweather vs Tenshin in Japan.
“We spoke a bit about doing a special fight in China, but halfway through he turned to the Pacquiao rematch, so we stopped.”
Matatandaang sa tinaguriang “Fight of the Century” noong Mayo 2015, tinalo ni Mayweather si Pacquiao sa pamamagitan ng unanimous decision.
Habang si Pacquiao ay natangay kay Keith Thurman ang WBA welterweight world title sa sagupaan nilang dalawa sa Las Vegas noong Hulyo.