Ipinagmalaki ngayon ng mga organizers ng nilulutong Floyd Mayweather Jr. versus Conor McGregor na lalampasan pa nito ang kikitain sa nangyaring Manny Pacquiao-Mayweather showdown na naganap dalawang taon na ang nakakaraan.
Ito ang paniniwala nina UFC president Dana White at CEO ng Mayweather Promotions na si Leonard Ellerbe.
Ayon kay White, kung buong mundo ang pag-uusapan, mas malaki pa raw ang August fight nina McGregor, 28, at Floyd, 40.
Kung maalala ang Pacquiao-Mayweather ay bumasag ng records sa kita noong May 2015 kung saan bumenta ito ng 4.6 million sa pay-per-views at kumita ng mahigit sa $600 million.
Pero marami ang nadismaya na mga boxing fans dahil nakulangan sa aksiyon, bunsod ng pagtakbo ni Floyd habang may injury naman sa balikat si Pacman.
Si Senator Pacquiao ay nasa kainitan ngayon ng training camp sa GenSan kung saan mahigit dalawang linggo na lamang ang nalalabi bago ang laban kay Jeff Horn sa Australia.
Samantala, nagyabang naman si Ellerbe na sa marami niyang pinuntahan ay bukambibig lagi ang Mayweather-McGregor bout kaya tiyak aniyang papatok daw ito.
Giit naman ni Showtime executive Stephen Espinoza, pambihira ang mangyayaring laban dahil hindi lamang mga fans mula sa boxing ang maeengganyo sa Mayweather-McGregor fight kundi maging ang mga tagasunod ng Irishman mula sa mundo ng mixed martial arts o UFC.
Ilang analysts naman ang nagsasabi na tiyak na bebenta ang nasabing laban dahil sa magaling sa promosyon ang dalawang magkaribal at kakatwa pa ang mga personalidad.