Hindi na umano umaasa pa si MMA superstar Conor McGregor na matutuloy pa ang nilulutong laban sa pagitan nila ni Pinoy ring icon Sen. Manny Pacquiao.
Pahayag ito ni McGregor matapos itong masilat ni Dustin Poirier sa ikalawang round ng bakbakan nila sa UFC 257 na idinaos sa Abu Dhabi kahapon.
Ayon kay McGregor, bagama’t hindi nito isinasara ang pintuan sa nasabing posibilidad, maaaring hindi na raw ito matuloy ngayong taon.
“I wanted to focus on the MMA career but I’m also… Let’s just see what happens. That Manny fight was happening. It was as good as done. [Now] I don’t know,” wika ni McGregor.
Sa ngayon, magpopokus daw muna ang Irish fighter sa pagpapagaling mula sa knee injury na natamo nito sa laban.
“I don’t know. It’s all muscle and deep into the muscle. It’s a dead leg. But it is what it is. Fair play. I should’ve pressed him in the fence and kept pounding on him,” ani McGregor.
“Maybe, I’ll switch up my game when me and Dustin face again. I have to go through the disciplines and make the good decisions.”
Samantala, kung si Paradigm Sports president Audie Attar naman ang tatanungin, dahil sa pagkatalo ni McGregor ay tiyak umanong hindi na papatok ang pinaplantsang sagupaan nila ng Fighting Senator.