Muli na namang nakakaladkad sa isyu ang pangalan ni MMA superstar Conor McGregor matapos nitong suntukin ang isang lalaki sa isang bar sa Ireland nitong Abril.
Sa CCTV video na kuha sa loob ng The Marble Arch bar sa Dublin, makikitang inalok ng lalaking sinasabing si McGregor ng whiskey ang mga naroon sa lugar.
Tumanggi naman sa alok ni McGregor ang isa sa mga lalaking naroon kaya bigla na lamang itong sinapok ng dating UFC featherweight at lightweight champion.
Sa pahayag ng national police force ng Ireland, iniimbestigahan na nila ang nasabing insidente ngunit hindi nabanggit sa report ang pangalan ni McGregor.
Gayunman, naniniwala si UFC president Dana White na si McGregor daw mismo ang lalaking nasasangkot sa kontrobersya.
Nahaharap sa minor assault charge si McGregor makaraang mapagpasyahan ng Director of Public Prosecutions na mayroon daw sapat na ebidensya upang kasuhan ito.
Ipapatawag din si McGregor sa Dublin District Court upang hingin ang kanyang panig sa reklamo.
Sakaling mapatunayan, inaasahang papatawan ng multa si Mcgregor dahil sa nagawa nitong offense.