-- Advertisements --

Posible umanong matuloy ang inaabangang bakbakan sa pagitan nina Sen. Manny Pacquiao at UFC star Conor McGregor sa isang boxing match.

Sinabi ni Jayke Joson, isa sa mga kaibigan ni Pacquiao, batay sa isinagawa nilang survey, 9 sa 10 Pinoy fight fans ang pabor na matuloy ang laban nina Pacquiao at McGregor.

Kung mangyayari umano ang laban, inihayag nito na posibleng ito na rin ang farewell fight ng 8-division world champion.

Ayon sa mga analyst, ang sagupaan sa pagitan ng dalawa ay inaasahang kikita ng bilyon dahil parehong sikat ang dalawang fighter.

Bukas umano si McGregor para sa naturang laban at kamakailan din ay todo ang pagpapahaging kay Pacquiao sa social media.

Sa panig ni Pacquiao, itinanggi nitong nagkakaroon sila ng negosasyon sa kampo ni McGregor.

Ito’y kahit na lumagda na ito ng kontrata sa Paradigm Sports na kaparehong ahensya na may hawak sa MMA superstar.