Mistulang kumagat si UFC superstar Conor McGregor sa tila naging paghamon sa kanya ni Golden Boy Promotions CEO Oscar De La Hoya na magtuos sila sa isang boxing match.
Bago ito, sinabi ni De La Hoya sa isang panayam na kakailanganin lamang daw nito ng dalawang rounds upang talunin si McGregor sakaling mabigyan ito ng tsansa na magharap sila sa lona.
“Oh come on, brother. Two rounds. One thing about me is I went for the kill, always. Look, Conor McGregor — I love him in the Octagon, I respect him, I watch him all the time. But the boxing ring is a whole different story, it’s a whole different story,” wika ni De La Hoya.
Sa isang social media post, sinabi ni McGregor na tinatanggap daw nito ang hamon sa kanya ng Mexican boxing legend.
“I accept your challenge, Oscar De La Hoya,” saad ni McGregor sa Twitter.
Noon pang Disyembre 2008 nang isabit ng ngayo’y 47-anyos na si De La Hoya ang kanyang boxing gloves matapos na dumanas ito ng pagkatalo sa kamay ni Pinoy ring icon Sen. Manny Pacquiao.
Bilang boksingero, naibulsa ni De La Hoya ang iba’t ibang mga world titles sa anim na magkakaibang weight classes, kasama na ang lineal championship sa tatlong weight divisions.
Matapos naman magretiro, naging promoter na si De La Hoya kung saan iginugol na lamang niya sa Golden Boy Promotions ang kanyang oras.
Habang si McGregor ay isang beses pa lamang lumalaban sa professional boxing kung saan nagapi ito ni Floyd Mayweather noong Agosto 2017.