Naka-heightened alert na ang Mactan Cebu International Airport simula ngayong araw, Enero 15, dahil sa inaasahang buhos ng mga pasaherong dadagsa para makiisa sa selebrasyon ng Sinulog festival ngayong taon.
Inihayag ni MCIA Public Affairs Office chief Mary Ann Dimabayao na kaisa sa kanilang mga paghahanda ang Philippine National Police Aviation security unit, Department of Tourism-7 at iba pang katuwang na ahensya.
Sinabi pa ni Dimabayao na nangangahulugan pa aniya ito na kailangang mas alerto pa lalo ang kanilang emergency at security department kaysa nakaugalian.
Kaugnay nito, isinaaktibo na rin simula ngayong araw hanggang sa Enero 22 ang kanilang Oplan Ligtas Biyahe: Sinulog 2025 helpdesk sa arrival at departure area ng naturang paliparan.
Dagdag pa nito na may mga first aid stations din na naka-set-up sakaling kinakailangan.
Hindi lamang aniya mga dayuhang turista ang inaasahang dadating sa Cebu dahil may mga deboto din naman umano sa iba’t ibang bahagi ng bansa na gustong bumisita at makaranas ng Sinulog dito.